Pormal na ipinatalastas kahapon, Lunes, ika-8 ng Mayo 2017, ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) ng Pilipinas, na si Pangulong Rodrigo Duterte ay pupunta sa Tsina sa ika-13 ng buwang ito, para dumalo sa Belt and Road Forum for International Cooperation, na idaraos sa Beijing mula ika-14 hanggang ika-15 ng Mayo.
Sa preskon nang araw ring iyon, sinabi ni Robespierre Bolivar, DFA acting spokesman, na ipinalalagay ng panig Pilipino, na ang Belt and Road Initiative na iniharap ng Tsina ay magiging nakatutulong na mekanismo para palakasin ng Pilipinas ang interes na pangkabuhayan nito sa rehiyon.
Sinabi rin ni Bolivar, na ang isa sa kasalukuyang mga priyoridad ng Pilipinas at buong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay connectivity, at ang Belt and Road Forum ay magbibigay-pokus din sa connectivity. Umaasa aniya ang panig Pilipino, na ito ay magiging pangunahing paksa sa naturang porum, at matatamo rin ang bunga sa usaping ito.
Dagdag pa ni Bolivar, ang Pilipinas ay nasa estratehikong krosing o daanan sa pagitan ng Silangan at Kanluran. Umaasa aniya ang Pilipinas na patitingkarin ang mahalagang papel sa Belt and Road Initiative.
Salin: Liu Kai