Mayo 9 2017, sa pag-usap sa telepono, nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at bagong halal na Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya, binigyang-diin ni Xi, na lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang relasyon sa Pransya. Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng Pransya, na ipagpatuloy ang pagkakaibigan, palakasin ang pagtitiwalaan, isaalang-alang ang nukleong interes ng isa't isa, at palalimin ang pragmatikong kooperasyon.
Ipinahayag din ni Xi ang pagtanggap sa paglahok ng Pransya sa Belt and Road Initiative. Dapat din aniyang panatilihin ng dalawang panig ang pag-uugnayan at pagkokoordinahan sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig.
Ipinahayag naman ni Macron ang pagpapahalaga sa relasyong Pranses-Tsino. Aniya, patuloy na isasagawa ng bagong pamahalaan ng Pransya ang proaktibo at mapagkaibigang patakaran sa Tsina, at igigiit ang patakarang "Isang Tsina." Dagdag ni Macron, palalalimin ng kanyang pamahalaan ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa iba't ibang larangan at sa loob ng balangkas ng Belt and Road Initiative.
Sumang-ayon din sina Xi at Macron, na panatilihin ang pag-uugnayan, at isagawa ang pagtatagpo sa lalong madaling panahon.
Salin: Liu Kai