|
||||||||
|
||
Nag-usap sa telepono Huwebes, Mayo 11, 2017, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Moon Jae-in ng Timog Korea.
Ipinaabot muna ni Pangulong Xi ang pagbati kay Moon Jae-in sa panunungkulan bilang bagong Presidente ng South Korea. Tinukoy niya na nitong 25 taong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, natamo ng relasyong Sino-Timog Koreano ang malaking progreso, at dapat ito aniyang pahalagahan. Umaasa aniya ang Tsina na pahahalagahan ng bagong pamahalaang Timog Koreano ang malaking pagkabahala ng panig Tsino, at magsasagawa ng aktuwal na aksyon upang mapasulong ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Ang pagsasakatuparan ng mainam na pag-unlad ng relasyong ito ay hindi lamang umaangkop sa komong kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi nakakabuti pa sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng rehiyong ito, dagdag pa niya.
Kaugnay ng isyung nuklear ng Korean Peninsula, ipinahayag ni Pangulong Xi ang kahandaan na magsikap kasama ng iba't-ibang kaukulang panig na tulad ng Timog Korea, para mapayapang malutas ang isyung ito at ipagpatuloy ang pagsisikap para sa kapayapaan at kasaganaan ng Korean Peninsula.
Ipinahayag naman ni Pangulong Moon Jae-in na lubos na pinahahalagahan ng kanyang pamahalaan ang relasyon sa Tsina. Nakahanda aniya itong magsikap kasama ng Tsina para mapasulong ang pragmatikong estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |