Nakipag-usap Mayo 16, 2017 sa Beijing si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa kanyang Cambodian counterpart na si Hun Sen.
Ipinahayag ni Premyer Li na nananatiling matatag at malusog ang tradisyonal na pagkakaibigan ng Tsina at Kambodya, na magkasamang itinayo ng mga naunang lider ng dalawang bansa. Tinukoy ni Li na nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Kambodya, para ibayong palakasin ang komprehensibong pagtutulungan ng dalawang bansa. Umaasa aniya siyang pabibilisin ang ugnayan ng kani-kanilang pambansang estratehiyang pangkaunlaran, at patataasin ang kalidad at kabuuang halaga ng bilateral na kalakalan.
Binigyang-diin ni Li na sa nalalapit na ika-15 anibersaryo ng pagkakatatag ng estratehikong partnership ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa taong 2018, nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Kambodya at ibang bansang ASEAN, para pasulungin ang pagtutulungan, palakasin ang hangarin sa magkakasamang pag-unlad, at isakatuparan ang matatag at masaganang komunidad ng komong kapalaran ng rehiyon.
Ipinahayag naman ni Punong Ministrong Hun Sen na pinahahalagahan ng Kambodya ang tradisyonal na mapagkaibigang pakikipagtulungan sa Tsina. Nakahanda aniya ang kanyang bansa na magsikap, kasama ng Tsina para tupdin ang mga narating na kasunduan, ipagpatuloy ang pagpapalitan sa mataas na antas, at pahigpitin ang pagtutulungan sa ibat-ibang larangang kinabibilangan ng kalakalan, imprastruktura, agrikultura, siyensiya, teknolohiya, turismo, pagpapatupad sa batas, at iba pa. Inaasahan din aniya ng Kambodya ang pagpapahigpit ng koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, para pasulungin ang mapagkaibigang relasyong Sino-Kambodyano sa mas mataas na antas.