Sa sidelines ng Belt and Road Forum for International Cooperation sa Beijing, nag-usap kahapon ng hapon, Mayo 15, 2017 sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Pangulong Rodrigo Duterte ng Pilipinas.
Ipinahayag ni Li na ilang beses idinaos ang matagumpay na pag-uusap sa pagitan nina Pangulong Xi Jinpin ng Tsina at Pangulong Duterte. Aniya, bilang mapagkaibigang magkapitbansa, ang mainam na relasyong Sino-Pilipino ay hindi lamang angkop sa komong interes ng dalawang bansa at mga mamamayan, kundi makakatulong din sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Pilipinas, para pahigpitin ang ugnayan ng kani-kanilang pambansang estratehiyang pangkaunlaran, at palakasin ang pragmatikong pagpapalitan at pagtutulungan sa ibat-ibang larangang kinabibilangan ng kalakalan, imprastruktura, produktibong lakas, pinansya, kultura, at iba pa, para sa pagbibigay-ginhawa sa mga mamamayan ng dalawang bansa, at pagpapasulong ng katatagan at kasaganaan ng rehiyon.
Ani Li, nitong 50 taong nakalipas sapul ng pagkakatatag ng ASEAN, gumaganap ito ng mahalagang papel sa pagpapasulong ng pagtutulungan at pag-unlad ng mga kasaping bansa at buong rehiyon. Positibo aniya ang Tsina sa integrasyon ng ASEAN at leading role nito sa kooperasyong panrehiyon. Aniya, isinasabalikat ng Pilipinas ang papel bilang tagapangulong bansa ng Association of South East Asian Nations(ASEAN) sa taong 2017, at nakahanda ang Tsina na magsikap, kasama ng Pilipinas at ibang mga bansang ASEAN para ibayong palakasin ang pagtutulungan ng Silangang Asya, at pahigpitin ang komong kapalaran ng Tsina at ASEAN. Ipinahayag naman ni Pangulong Duterte na kasalukuyang umuunlad ang relasyong Sino-Pilipino sa tumpak na direksyon, at nagiging mabunga ang komprehensibong pragmatikong pagtutulungan ng dalawang panig. Umaasa aniya ang kanyang bansa na pag-aaralan ang karanasan ng Tsina sa pagpapasulong ng pambansang kabuhayan, at ibayong hihigpit ang kanilang pagtutulungan sa ibat-ibang larangang kinabibilangan ng imprastruktura, e-commerce, siyensiya, teknolohiya, pagpoprogreso ng pagkain, agrikultura, pangingisda at iba pa. Hinihintay aniya ng Pilipinas ang mas maraming pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino. Samantala, nakahanda aniya ang Pilipinas na magsikap, kasama ng Tsina para pangalagaan ang katatagan at kaunlaran ng rehiyon.