Sa press conference na ginanap matapos ang Ika-23 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-China Senior Officials' Consultation sa Guiyang, Guizhou, ipinahayag ni Liu Zhenmin, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, na inaprubahan ng mga delegado ng pulong ang paghaharap ng 2030 Vision for ASEAN-China Strategic Partnership.
Inaasahang gagawin ito pagkaraang aprubahan ng mga ministrong panlabas at lider ng Tsina at mga bansang ASEAN. At inaasahang ilalabas ito sa susunod na taon, sa okasyon ng Ika-15 anibersaryo ng Pagkakatatag ng estratehikong partnership ng ASEAN at Tsina.
Ipinahayag din ni Liu na naging matagumpay at mabunga ang konsultasyon ngayong umaga na tumagal ng higit 4 na oras. Nagkasundo ang mga kinatawang pagtuunan ang mga sumusunod na larangan: pagsasama ng mga estratehiyang pangkaunlaran ng Master Plan on ASEAN Connectivity 2025 at ng Belt and Road Initiative ng Tsina, pagpapalawig ng kooperasyon at pagsusulong ng kaunlaran sa harap ng mga hamon sa globalisasyong pangkabuhayan.
Ulat: Mac Ramos at Liu Kai
Web-editor: Jade/ Li Feng