Sinabi ngayong araw, Linggo, ika-28 ng Mayo 2017, ni Tagapagsalita Wu Qian ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na noong ika-25 ng buwang ito, pumasok sa himpapawid na 240 kilometro ang layo sa dakong timog silangan ng Hong Kong ang isang P-3 spy plane ng hukbong panghimpapawid ng Amerika, at isinagawa ng dalawang J-10 fighter jets ng Tsina ang beripikasyon sa identidad ng naturang eroplanong Amerikano.
Ipinanidigan ni Wu, na propesyonal, ligtas, at alinsunod sa pandaigdig na batas ang isinagawang operasyon ng panig Tsino. Aniya, hindi totoo ang ulat ng American media, na nagsasabing hinarang ng mga eroplanong militar ng Tsina ang naturang spy plane na Amerikano.
Sinabi rin ni Wu, na nitong ilang nakalipas na panahon, ilang beses na ipinadala ng tropang Amerikano ang mga barko at eroplano sa karagatan o himpapawid na malapit sa Tsina. Ito aniya ay lumapastangan sa soberanya ng Tsina, at nagsapanganib sa buhay ng mga tauhan ng kapwa panig. Sinabi ni Wu, na muling hinihiling ng panig Tsino sa panig Amerikano, na isagawa ang tumpak na hakbangin, para iwasto ang kamaliang ito, at iwasan ang muling pagkaganap ng ganitong pangyayari.
Salin: Liu Kai