Kinatagpo ngayong araw, Miyerkules, ika-31 ng Mayo 2017, sa Tokyo, Hapon, si Yang Jiechi, Kasangguni ng Estado ng Tsina, ni Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon.
Ipinahayag ni Yang, na ang pagbuti at pag-unlad ng relasyong Sino-Hapones ay may kinalaman, hindi lamang sa kabiyayaan ng mga mamamayan ng kapwa bansa, kundi rin sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng rehiyong ito. Aniya, nakipagtagpo kamakailan sa Beijing si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kay Toshihiro Nikai, Secretary-General ng Liberal Democratic Party ng Hapon, at iniharap ni Pangulong Xi ang ilang palagay hinggil sa pagpapaunlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Dagdag ni Yang, ang taong ito ay ika-45 anibersaryo ng normalisasyon ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Hapon, at ang susunod na taon naman ay ika-40 anibersaryo ng pagkakalagda ng dalawang bansa sa kasunduan sa kapayapaan at pagkakaibigan. Umaasa aniya ang panig Tsino, na pauunlarin ang relasyong Sino-Hapones, batay sa apat na dokumentong pampulitika at apat na komong palagay ng dalawang bansa, at ideyang gawing salamin ang kasaysayan, para sa pagharap sa kinabukasan. Umaasa rin aniya ang panig Tsino, na sa pamamagitan ng mga konkretong patakaran at aksyon, ipapakita ng panig Hapones ang sinabi nitong "ang Hapon at Tsina ay magkatuwang, at hindi nagsisilbing banta ang dalawang bansa sa isa't isa."
Ipinahayag naman ni Abe, ang pag-asang ibayo pang pabubutihin at pauunlarin ang relasyong Hapones-Sino. Umaasa rin aniya ang Hapon, kasama ng Tsina, na pahihigpitin ang pagpapalagayan sa iba't ibang antas, pasusulungin ang pagkakaibigan ng kani-kanilang mga mamamayan, palalalimin ang kooperasyon, maayos na kokontrolin ang mga pagkakaiba, at palalakasin ang pagkokoordinahan sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Salin: Liu Kai