|
||||||||
|
||
Tokyo, Japan — Sa kanyang pakikipagtagpo nitong Martes, Mayo 30, 2017, kay Japanese Foreign Minister Fumio Kishida, tinukoy ni Yang Jiechi, Kasangguni ng Estado ng Tsina, na dapat samantalahin ng Tsina at Hapon ang pagkakataon upang mapalawak ang mga positibong elemento, at pawiin ang negatibong elemento sa relasyon ng dalawang bansa.
Ipinagdiinan ni Yang na para maisakatuparan ang pagbuti ng relasyong Sino-Hapones, dapat maayos na hawakan ang mga sensitibong isyung gaya ng kasaysayan, at Taiwan. Umaasa rin aniya siyang batay sa four-point consensus spirit, mapapalakas ng dalawang panig ang diyalogo at makokontrol ang pagkakaiba upang magkasamang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa East China Sea.
Ipinahayag naman ni Kishida na ang ika-45 anibersaryo ng normalisasyon ng relasyong diplomatiko ng Hapon at Tsina sa kasalukuyang taon, at ika-40 anibersaryo ng pagkakalagda sa kasunduang pangkapayapaan at pangkaibigan ng dalawang bansa sa susunod na taon, ay nagkaloob ng mahalagang pagkakataon para sa pagpapasulong ng relasyong Hapones-Sino. Nakahanda aniya ang panig Hapones na magsikap kasama ng panig Tsino upang mapalawak ang mga positibong elemento sa kanilang relasyon.
Nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang panig tungkol sa isyung nuklear ng Korean Peninsula. Inulit ni Yang ang posisyon at paninindigan ng panig Tsino sa isyung ito.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |