Kaugnay ng pag-uusap kamakailan sa telepono nina Donald Trump, bagong halal na Pangulo ng Amerika, at Tsai Ing-wen, lider ng Taiwan ng Tsina, ipinahayag kahapon, Sabado, ika-3 ng Disyembre 2016, sa Beijing, ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na hindi mababago ng naturang pag-uusap ang komong palagay ng komunidad ng daigdig hinggil sa "Isang Tsina."
Idinagdag pa ni Wang, na hindi rin mababago ng pangyayaring ito ang patakarang "Isang Tsina" na iginigiit ng pamahalaang Amerikano nitong mga taong nakalipas, bilang pundasyon ng malusog na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.
Nang araw ring iyon, sinabi naman ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na nagharap na ng solemnang representasyon ang panig Tsino sa panig Amerikano, kaugnay ng pag-uusap sa telepono nina Trump at Tsai.
Sinabi rin niyang hinihimok ng Tsina ang panig Amerikano na igiit ang patakarang isang Tsina, at buong ingat at maayos na hawakan ang isyu ng Taiwan, para iwasan ang hadlang sa pangkalahatang kalagayan ng relasyong Sino-Amerikano.
Salin: Liu Kai