Ipininid kahapon, Sabado, ika-8 ng Hulyo 2017, sa Hamburg, Alemanya, ang dalawang-araw na G20 Summit.
Sa preskon pagkaraan ng summit, sinabi ni Chancellor Angela Merkel ng Alemanya, na nagkaroon ang iba't ibang panig ng napakahirap na talastasan hinggil sa malayang kalakalan, at natamo ang kasiya-siyang bunga. Aniya, buong pagkakaisang ipinahayag ng mga lider ng G20 ang pagkatig sa globalisasyon, nagbigay sila ng pangako hinggil sa pagbubukas ng pamilihan at pagtutol sa proteksyonismong pangkalakalan, at gumawa rin ng desisyon hinggil sa pagbuo ng matatag na sistema ng kalakalang pandaigdig at pagpapasulong ng transnasyonal na pamumuhunan.
Sa isyu naman ng pagbabago ng klima, sinabi ni Merkel, na dahil sa pag-uurong ng Amerika, walang narating na komong palagay ng G20 hinggil sa Paris Agreement. Pero aniya, ipinasiya ng iba pang 19 na kasapi na buong tatag na igiit ang naturang kasunduan, at ilakip bilang appendix sa kasunduan ang plano ng mga aksyon sa klima at enerhiya ng G20 Hamburg Summit.
Salin: Liu Kai