Nakipagtagpo, ngayong araw, Biyernes, ika-24 ng Marso 2017, sa Boao, Tsina, si Pangalawang Premyer Zhang Gaoli, sa mga mangangalakal na Tsino at dayuhan, na kalahok sa taunang pulong ng Boao Forum for Asia (BFA).
Inulit ni Zhang ang paninindigan ng Tsina sa pagpapasulong ng globalisasyong pangkabuhayan, pangangalaga sa malayang kalakalan, at pagtutol sa proteksyonismong pangkalakalan. Ito aniya ay makakabuti sa pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig.
Nanawagan din si Zhang sa mga mangangalakal na panatilihin ang pananalig sa kinabukasan ng kabuhayang Tsino. Aniya, mabuti ang tunguhin ng pag-unlad ng kabuhayang Tsino, at walang humpay na pabubutihin ng Tsina ang kondisyon para sa pamumuhunang dayuhan.
Kaugnay naman ng rehiyonal na kooperasyon ng Asya, sinabi ni Zhang, na dapat mabuting gamitin ang kasalukuyang mga mekanismo at plataporma, na gaya ng ASEAN plus Tsina, kooperasyon sa Lancang-Mekong River, ASEAN plus Tsina, Hapon, at Timog Korea, at Summit ng Silangang Asya, para pasulungin ang integrasyong pangkabuhayan ng Asya. Umaasa rin aniya siyang patitingkarin ng BFA ang mas malaking papel sa usaping ito.
Salin: Liu Kai