Bumigkas ng talumpati ngayong araw, Sabado, ika-25 ng Marso 2017, si Pangalawang Premyer Zhang Gaoli ng Tsina, sa seremonya ng pagbubukas ng taunang pulong ng Boao Forum for Asia (BFA), na idinaos sa Boao, Tsina. Nanawagan siya para sa magkakasamang pagpapasulong ng globalisasyong pangkabuhayan, upang lumikha ng magandang kinabukasan ng Asya at buong daigdig.
Sinabi ni Zhang, na noong Enero ng taong ito, sa kanyang talumpati sa taunang pulong ng World Economic Forum, inilahad ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang paninindigan sa globalisasyong pangkabuhayan, at iniharap ang mungkahi hinggil sa pagharap sa mga kahirapan at hamon sa kasalukuyang kabuhayang pandaigdig. Dagdag niya, aktibong lumalahok ang mga bansang Asyano sa globalisasyong pangkabuhayan. Sa pamamagitan nito aniya, hindi lamang naisakatuparan nila ang sariling pag-unlad, kundi rin nagbigay ng ambag sa paglaki ng kabuhayang pandaigdig.
Tinukoy din ni Zhang, na sa darating na Mayo ng taong ito, idaraos sa Beijing ang Belt and Road Forum for International Cooperation. Ang aktibidad na ito aniya, ay naglalayong palakasin ang kooperasyong pandaigdig sa ilalim ng "Belt and Road" initiative, bilang pagbibigay ng bagong ambag sa kapayapaan at kaunlaran ng buong daigdig.
Salin: Liu Kai