Mula ika-12 hanggang ika-15 ng Setyembre, 2017, gaganapin sa lunsod ng Nanning ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Tsina, ang Ika-14 na China-ASEAN Expo (CAExpo). Magiging theme country ng ekspong ito ang Brunei. Sa kauna-unahang pagkakataon, itatatag ng ekspo sa taong ito ang theme pavilion tungkol sa "Belt and Road," at aanyayahan ang mga bahay-kalakal ng mga bansa sa kahabaan nito sa nasabing ekspo.
Ayon kay Qian Keming, Pangalawang Ministro ng Komersyo ng Tsina, nitong ilang taong nakalipas, patuloy na lumalalim ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Sa kasalukuyan, ang Tsina aniya ay nananatili pa ring pinakamalaking trade partner ng ASEAN, at ang ASEAN naman ay ika-3 pinakamalaking trade partner ng Tsina. Bukod dito, ang Tsina at ASEAN aniya ay mahalagang pinagmumulan ng pondong dayuhan ng isa't-isa. Hanggang noong katapusan ng nagdaang Mayo, 2017, lumampas na sa 183 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng pamumuhunan ng dalawang panig sa isa't-isa.
Salin: Li Feng