Ika-10 ng Hulyo 2017, Beijing--Ayon mula sa Tanggapan ng Inpormasyon ng Konseho ng Estado ng Tsina, mula ika-12 hanggang ika-15 ng darating na Setyembre 2017, idaraos sa Nanning, punong lunsod ng Guangxi Zhuang Autonomous Region ng Tsina, ang Ika-14 na China ASEAN Expo (CAEXPO).
Ayon sa nasabing konseho, ang Tsina ay pinakamalaking partner ng kalakalan sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at ang ASEAN ay ika-3 pinakamalaking pangkalakalang partner ng Tsina. Sa news briefing nang araw ring iyon, isinalaysay ni Qian Keming, Pangalawang Ministro ng Komersyo ng Tsina na palalakihin ng Tsina ang pag-aangkat mula sa ASEAN. Patuloy din aniyang padadaliin ng Tsina ang pamamaraan ng customs inspection para magkaloob ng ginhawa sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural, prutas, produktong pandagat, goma, palm oil at iba pang pangunahing kalakal ng ASEAN.
Kasabay ng pagdaraos ng CAEXPO, idaraos din ang Ika-14 na China ASEAN Business and Investment Summit (CABIS).
salin:lele