Ipinatalastas ngayong araw, Lunes, ika-10 ng Hulyo 2017, sa Beijing, ni Qian Keming, Pangalawang Ministro ng Komersyo ng Tsina, na mula ika-12 hanggang ika-15 ng darating na Setyembre ng taong ito, idaraos sa Nanning, punong lunsod ng Guangxi Zhuang Autonomous Region ng Tsina, ang Ika-14 na China ASEAN Expo (CAEXPO), at Ika-14 na China ASEAN Business and Investment Summit (CABIS).
Ayon pa rin kay Qian, espesyal ang naturang ekspo dahil, sa kauna-unahang pagkakataon, magkakaroon ito ng exhibition area hinggil sa Belt and Road Initiative. Ito aniya ay para itanghal ang bunga ng mga "early harvest" project ng nasabing inisyatiba, at pasulungin ang konstruksyon ng Belt and Road.
Sinabi rin ni Qian, na nagpatala na para lumahok sa kasalukuyang CAEXPO, ang maraming exhibitor mula sa mga bansang kasapi sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at Belt and Road Initiative.
Salin: Liu Kai