Nilagdaan kahapon, Huwebes, ika-13 ng Hulyo 2017, sa Des Moines, Estado ng Iowa, Amerika, ng mahigit 20 bahay-kalakal na Tsino at Amerikano ang mga kontrata ng kalakalan ng mga produktong agrikultural. Ayon sa mga ito, aangkatin ng mga bahay-kalakal na Tsino mula sa Amerika ang mahigit 12 milyong toneladang soybean, at mahigit 370 toneladang karne ng baboy at baka. Aabot sa mahigit 5 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng mga produktong ito.
Ang paglagda sa naturang mga kontrata ay isa sa mga konkretong hakbangin ng pagpapatupad ng plano sa kooperasyong pangkabuhayan ng Tsina at Amerika, na narating ng mga pangulo ng dalawang bansa noong nagdaang Abril ng taong ito.
Kaugnay nito, sinabi ni Xu Hai, Counselor for Scientific and Technological Affairs ng Konsulada Heneral ng Tsina sa Chicago, na kasunod ng pag-unlad ng urbanisasyon ng Tsina at pagyaman ng mga mamamayang Tsino, patuloy pang lalawak ang saklaw ng pamilihan ng konsumo ng Tsina, at malaki pa ang nakatagong lakas ng pagluluwas ng mga bahay-kalakal na Amerikano sa Tsina.
Sinabi naman ni Adam Gregg, Pangalawang Gobernador ng Iowa, na ang pagbubukas ng pamilihang Tsino sa karne ng baka ng Amerika ay isang napakagandang bagay para sa kanyang estado na umaasa sa agrikultura. Ayon pa rin sa kanya, dadalaw sa Tsina sa susunod na linggo ang isang delegasyon ng Iowa para sa kalakalang agrikultural.
Salin: Liu Kai