|
||||||||
|
||
Nakipag-usap kahapon, Martes, ika-18 ng Hulyo 2017, sa Beijing, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kay Pangulong Mahmoud Abbas ng Palestina.
Sinabi ni Xi, na sa mula't mula pa'y lubos na kinakatigan ng Tsina ang Palestina bilang isang estado. Patuloy aniyang patitingkarin ng Tsina ang konstruktibong papel nito para sa paglutas ng isyu ng Palestina. Lalahok din aniya ang Tsina sa lahat ng pagsisikap na makakabuti sa pulitikal na paglutas ng isyung ito.
Ipinahayag pa ni Xi ang kahandaan ng Tsina, kasama ng Palestina, na walang humpay na pasulungin ang kooperasyon sa iba't ibang larangan, lalung-lalo na sa ilalim ng Belt and Road Initiative.
Ipinahayag naman ni Abbas ang pag-asang ibayo pang patatatagin ang tradisyonal na pagkakaibigan ng Palestina at Tsina.
Sa preskon pagkaraan ng pag-uusap, inilahad ni Zhang Ming, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, ang paninindigan ng kanyang bansa hinggil sa pagkatig sa "plano ng dalawang estado." Aniya, kinakatigan ng Tsina ang pagtatatag ng Estado ng Palestina, na may hanggahang itinakda noong 1967, may kabiserang East Jarusalem, at may ganap na soberanya at kasarilan. Nananawagan din aniya ang Tsina, para tumpak na ipatupad ang Resolusyon bilang 2334 ng United Nations Security Council, agarang itigil ang lahat ng mga aksyong may kinalaman sa mga purok-panirahan na sakop ng teritoryo ng Palestina, iwasan ang mga marahas na aksyong nakatuon sa mga sibilyan, at panumbalikin sa lalong madaling panahon ang talastasan hinggil sa isyu ng Palestina at Israel.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |