Kinumpirma kahapon, Lunes, ika-21 ng Agosto 2017, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang naganap na engkuwentro ng mga sundalong Tsino at Indyano, malapit sa Pangong Lake sa kanlurang bahagi ng hanggahan ng dalawang bansa.
Ayon kay Hua, noong ika-15 ng buwang ito, isinagawa ng tropang panghanggahan ng Tsina ang normal na pagpapatrolya sa dakong Tsino ng Line of Actual Control (LAC), na malapit sa Pangong Lake sa kanlurang bahagi ng hanggahan ng Tsina at Indya. Pero, hinadlangan sila ng tropang panghanggahan ng Indya. Sa panahong iyon, isinagawa ng panig Indyano ang mga marahas na aksyon, na gaya ng pagtulak at paggiri sa mga sundalong Tsino. At nasugatan ang ilan sa panig Tsino.
Ipinahayag ni Hua ang lubos na kawalang-kasiyahan ng Tsina sa naturang pangyayari. Hinihimok aniya ng panig Tsino ang panig Indyano, na sundin ang LAC na itinakda noong 1959, higpitan ang mga aktibidad ng tropang panghanggahan nito, at tumpak na pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa purok-hanggahan ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai