Xiamen, Lalawigang Fujian ng Tsina—Martes, ika-5 ng Setyembre, 2017, nakipagtagpo dito si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa mga mamamahayag na Tsino't dayuhan, para isalaysay ang mga impormasyong may kinalaman sa Ika-9 na Brazil, Russia, India, China at South Africa (BRICS) Summit at Dialogue of Emerging Market and Developing Countries.
Tinukoy ni Xi na kasiya-siyang ipininid kahapon ang BRICS Summit. Pinagtibay sa summit ang "Deklarasyon ng Xiamen ng Mga Lider ng BRICS," kung saan inulit ang diwa ng BRICS na pagbubukas, pagbibigayan, kooperasyon at win-win situation. Komprehensibo nitong nilagom ang matagumpay na karanasan ng kooperasyon ng BRICS nitong nakalipas na 10 taon, at itinakda ang bagong blueprint para sa pagpapalakas ng partnership ng BRICS, at pagpapalalim ng pragmatikong kooperasyon sa iba't ibang larangan.
Tinukoy pa ni Xi na sa susunod na taon, manunungkulan ang South Africa bilang tagapangulong bansa ng BRICS, at idaraos ang Ika-10 BRICS Summit sa Johannesburg. Nakahanda aniya ang panig Tsino, kasama ng iba't ibang panig, na puspusang katigan ang pagtataguyod ng South Africa ng nasabing summit, at magkakasamang pasulungin ang kooperasyon ng BRICS. Nananalig aniya siyang sa pamamagitan ng magkasamang pagsisikap ng iba't ibang bansa at sirkulo, tiyak na magiging mas maliwanag ang prospek ng kooperasyong ito, at magiging mas maganda rin ang kinabukasan ng mga bansang BRICS.
Salin: Vera