Nag-usap sa telepono Huwebes, Setyembre 7, 2017, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Chancellor Angela Merkel ng Alemanya hinggil sa isyung nuklear ng Korean Peninsula.
Nanawagan si Pangulong Xi sa komunidad ng daigdig na magkasamang magsikap para malutas ang isyung nuklear ng Korean Peninsula. Ipinagdiinan niyang maraming beses na pinatunayan ng katotohanan na ang pinal na kalutasan sa nasabing isyu ay matatamo lamang sa pamamagitan ng mga mapayapang paraan na kinabibilangan ng diyalogo at pagsasanggunian.
Inulit din ni Xi ang pananangan ng Tsina sa walang nuklear na Korean Peninsula at pangangalaga sa pandaigdig na sistema ng di-pagpapalaganap ng mga sandatang nuklear. Muling ipinahayag din niya ang resolusyon ng Tsina sa pagpapanatili ng katatagan at kapayapaan sa Hilaga-silangang Asya.
Ipinahayag naman ni Chancellor Merkel ang suporta ng Alemanya sa mapayapang kalutasan sa nasabing isyu. Hinikayat din niya ang mga may kinalamang panig na bumalik sa landas ng diyalogo at pagsasanggunian. Ipinahayag din ni Merkel ang kahandan sa pagpapahigpit ng pakikipagtulungan sa Tsina para rito.
Salin: Jade
Pulido: Mac