Ayon sa magkasanib na pahayag ng Myanmar at India na inilabas Huwebes, ika-7 ng Setyembre, 2017, ng Ministry of the State Counsellor Office ng Myanmar, palalakasin ng dalawang bansa ang kooperasyon sa paglaban sa terorismo.
Sa nasabing pahayag, kinondena ng India ang teroristikong pagsalakay na naganap kamakailan sa rehiyon ng Rakhine ng Myanmar. Ipinalalagay ng kapuwa panig na ang terorismo ay malubhang banta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito. Nanawagan sila sa komunidad ng daigdig na pagtibayin sa lalong madaling panahon ang komprehensibong kombensyon hinggil sa pagbibigay-dagok sa pandaigdigang terorismo. Anang pahayag, palalakasin din ng dalawang bansa ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng depensa, seguridad na panghanggahan at iba pa.
Mula ika-5 hanggang ika-7 ng Setyembre, dumalaw sa Myanmar si Punong Ministro Narendra Modi ng India.
Salin: Vera