|
||||||||
|
||
Hangad ng maraming negosyanteng Pilipinong makapasok ang kanilang mga produkto sa malaking pamilihang Tsino.
Ang Ika-14 na China-ASEAN Expo (CAEXpo) na ginaganap Setyembre 12-15, 2017 sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ng Tsina, ay isang mainam na platapormang alok ay oportunidad para maisakatuparan ito.
Ngayong taon, 42 exporters mula sa sektor ng pagkain, gamit pambahay, handicrafts, perlas, health products, sapatos at habi ang sumali sa CAExpo.
Sa panayam ng CRI Serbisyo Filipino sinabi ni Consul General Marie Charlotte Tang,
"Ang CAExpo ay naging plataporma ng pagpapalitan sa pagitan ng Pilipinas at ng Tsina. 14 na taon nang lumalahok ang Pilipinas kaya sa pamamagitan ng platapormang ito mas naging mabuti ang kaalaman hinggil sa isa't isa ng dalawang panig. Naisagawa ang pagpapalitan ng mga mamamayan, kooperasyon sa turismo, kalakalan at pamumuhunan. Kaya nakatulong ito sa pagpapalakas ng ugnayan ng mga tao at ng dalawang bansa. At umaasa akong, mas magiging masigla pa ito sa hinaharap."
Si Consul General Charlotte Tang habang kinapanayam ni Mac Ramos
Si Consul General Charlotte Tang (dulong kaliwa) habang umiikot sa Specialised Exhibtion of China-ASEAN Beidou Satellite Navigation Systyem Pavillion, kasama sina Usec. Nora Terrado (ika-2 sa kaliwa) at Vice Chairman Liu Jun ng CPPCC Guangxi (dulong kanan)
Si Consul General Charlotte Tang habang umiikot sa Philippine Pavilion kasama sina Usec. Nora Terrado at Vice Chairman Liu Jun ng CPPCC Guangxi
Sa kauna-unahang pagkakataon ay sumali sa CAExpo si Lourdes Panopio at ipinakikilala ang tablea, champorado at instant hot choco drink. Hangad niyang mapabilang ang produkto ng Jamla Corporation sa mga pagkaing tinatangkilik ng mga Tsino. Aniya, batay sa kanyang pagsusuri, malaking porsiyento ng kinikita ng mga Tsino ay ginagastos nila sa masarap at masustansiyang pagkain. Ang kanyang mga produkto ay mabibili na sa Hong Kong at Macau.
Lourdes Panopio ng JAMLA Corp.
Hindi masyadong kilala ang durian ng Pilipinas. Kaya naman, mula pa sa Davao ay naglakas-loob si John Tan ng Eng Seng Food Products na makipagsabayan sa mga durian products mula sa establisadong exports ng Thailand at Malaysia. Naniniwala siyang mas malinamnam ang durian mula sa Davao, kaya ang kanyang durian chips ay higit na dekalidad. Aniya pa, kung magtatagumpay malaki ang maitutulong nito sa pagbuti rin ng kabuhayan ng mga magsasaka na nagtatanim ng durian sa Mindanao.
John Tan ng Eng Seng Food Products
Kilala na ang dried mangoes ng Pilipinas, pero ang mango juice na may coconut jelly ay bago sa panlasa ng mga Tsino. Ito ang tampok sa booth ng Pearl Foods Int'l Inc. Ani Joselito Moldogo, tiniyak nilang ito ay ayon sa panlasang Tsino kaya hindi ito masyadong matamis gaya ng nakagawian sa Pilipinas. Sa tulong ng CAExpo nais niyang makakilala ng distributor o kay ay investor na Tsino.
Joselito Moldogo ng Pearl Foods Int'l.
Napakaraming pagpipiliang panghimagas, pero walang ube ice cream at cheese ice cream sa Tsina. Ito naman ang ibinibida ng Yearluck Food and Industrial Corp. Paliwanag ni Joanne Tan, Sales and Operation Manager, na kahit Pinoy na Pinoy ang uri ng kanilang soft serve ice cream, nagustuhan ito ng maraming mga dayuhan. Ang CAExpo ang kanilang unang pagsubok kung matitipuhan din ito ng pihikang panlasa ng mga Tsino.
Joanne Tan ng Yearluck Foods & Industry Corp.
Ayon sa DTI-CITEM ang CAExpo ang ikalawang pinakamalaking trade event sa Tsina. Ngayong taon ito ay may 6,600 booths sa loob ng exhibition area na may lawak na 124,000 metro kuwadrado. Umaasa ang DTI-CITEM na makukuha ng mga Pinoy exhibitors ang US$ 8 milyon export sales ngayong taon.
Ulat: Mac Ramos
Larawan : Mac/Vera
Web-editor: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |