Nanning, Tsina--Ipinahayag ng mga gobernador ng bangko sentral, mga puno ng institusyong pinansyal, at mga opisyal ng pinansyal ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang kahandaang ibayo pang pasulungin ang kanilang pagtutulungang pinansyal.
Sa Ika-9 na China-ASEAN Summit Forum on Financial Cooperation and Development na idinaos Miyerkules, Setyembre 13, 2017 sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi sa dakong timog-kanluran ng Tsina, tinalakay ng mga kalahok ang hinggil sa pagpapalalim ng kooperasyon sa pamumuhunan at pangongolekta ng pondo, sa ilalim ng balangkas ng magkakasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative para sa komong kasaganaan.
Ipinalalagay ni Yin Yong, Pangalawang Gobernador ng People's Bank of China, Bangko Sentral ng bansa na sa proseso ng pagpapasulong ng nasabing inisyatiba, dumarami ang mga proyektong pangkooperasyon sa konektibidad, production capacity at paggawa ng kagamitan. Dahil dito, lumalaki ang pangangailangan sa suportang pinansyal at lumalawak din ang potensyal sa pagtutulungang pinansyal sa pagitan ng Tsina at mga bansang ASEAN.
Napag-alamang sa kasalukuyan, matatagpuan sa Tsina ang mahigit 30 sangay ng mga bangkong ASEAN. Hanggang katapusan ng Hunyo, 2017, umabot sa 300 bilyon Yuan RMB o 50 bilyong US dollar ang puhunan ng Export-Import Bank of China sa mga bansang ASEAN.
Salin: Jade