|
||||||||
|
||
Nag-usap Huwebes, Setyembre 21, 2017, sina Pangulong Donald Trump ng Amerika at Pangulong Moon Jae-in ng Timog Korea. Ayon sa White House Biyernes, inulit ng dalawang panig na dapat gamitin ang mapayapang paraan upang maisakatuparan ang target ng pagtatakwil ng Hilagang Korea ng planong nuklear nito.
Bukod dito, ipinagdiinan din ng dalawang panig ang kahalagahan ng mahigpit at komprehensibong pagsasakatuparan ng resolusyon bilang 2371 at 2375 ng United Nations (UN) Security Council.
Kaugnay nito, ipinahayag Biyernes ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa kasalukuyan, napakasalimuot at napakahigpit ng situwasyon ng Korean Peninsula. Aniya, dapat panatilihin ng iba't-ibang kaukulang panig ang pagtitimpi at magkakasamang magsikap upang mapahupa ang situwasyon.
Idinagdag pa ni Lu na tinututulan ng panig Tsino ang pagpapaunlad ng Hilagang Korea ng sandatang nuklear at pagsasagawa nito ng nuclear test.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |