Ipinahayag kahapon, Biyernes, ika-6 ng Oktubre 2017, ni Tagapagsalita Bahram Qasemi ng Ministring Panlabas ng Iran, na hindi totoo ang balita na nagsasabing nakahanda ang Iran, na idaos ang talastasan hinggil sa programa ng pagdedebelop ng ballistic missile ng bansa.
Sinabi ni Qasemi, na may lubos na karapatan ang Iran, na idebelop ang ballistic missile para sa pagtatanggol. Patuloy aniyang pasusulungin ng kanyang bansa ang programang ito, batay sa nakatakdang plano.
Ayon pa rin kay Qasemi, maraming beses nang ipinaliwanag ng Iran ang ganitong posisyon. Halimbawa aniya, sa kaniyang pananatili sa New York, Amerika, sinabi ni Ministrong Panlabas Mohammad Javad Zarif ng bansa, na hindi maipagbibili ang programa ng pagdedebelop ng ballistic missile ng Iran, at ito rin ay hindi labag sa resolusyon 2231 ng United Nations Security Council.
Pagkaraang magkabisa ang komprehensibong kasunduan hinggil sa isyung nuklear ng Iran, ang pagdedebelop ng ballistic missile ay naging bagong pangangatwiran ng pagpapataw ng Amerika ng mga dagdag na sangsyon laban sa Iran.
Salin: Liu Kai