Sa preskong idinaos kahapon, Linggo, ika-22 ng Oktubre 2017, ng Press Center ng Ika-19 na Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), ipinatalastas ng ilang opisyal ang mga bagong hakbanging makakabuti sa pamumuhay ng mga mamamayan.
Sinabi ni Chen Baosheng, Ministro ng Edukasyon, na nitong ilang taong nakalipas, tuluy-tuloy na dinaragdagan ng Tsina ang laang-gugulin sa edukasyon, at tinatayang aabot sa 4 na trilyong yuan RMB ang taunang ilalaang pondo sa susunod na ilang taon. Dagdag ni Chen, ibayo pang palalawakin ng Tsina ang saklaw ng pagtanggap ng edukasyon. Sa iniharap niyang target, hanggang sa taong 2020, inaasahang aabot sa 85% ang kindergarden enrollment rate mula sa kasalukuyang mahigit 77%, at aabot sa 50% ang higher education enrollment rate mula sa kasalukuyang mahigit 36%.
Sinabi naman ni Yin Weimin, Ministro ng Yamang-tao at Social Security, na mula 2012 hanggang 2016, ipinagkaloob ng Tsina ang mahigit 65 milyong bagong trabaho sa mga mamamayan, at sa aspektong ito, gumanap ng malaking papel ang micro and small business sa paglilikha ng trabaho. Kaya aniya, sa hinaharap, palalakasin ng Tsina ang pagkatig sa mga micro and small business, para mas madali silang makakuha ng pondo, business venue, yamang-tao, at iba pa.
Isinalaysay naman ni Li Bin, Ministro ng Pambansang Komisyon sa Kalusugan at Pagpapaplano ng Pamilya, na nitong ilang taong nakalipas, pinabibilis ng Tsina ang pagtatayo ng mga medical institution sa iba't ibang antas, para palawakin ang coverage ng serbisyong medikal. Aniya, sa kasalukuyan, mahigit 80% ng mga mamamayang Tsino ay nakakakuha ng serbisyong medikal sa loob ng 15 minuto. Dagdag ni Li, sa hinaharap, patuloy na pabubutihin ng Tsina ang access ng mga mamamayan sa serbisyong medikal, sa pamamagitan ng mga hakbanging gaya ng pagpapasimple ng pakikipagkita ng may-sakit sa doktor, pagpapasulong sa paggamit ng telemedicine, pagbibigay-ginhawa sa pagpapa-opera, at iba pa.
Salin: Liu Kai