Sa panahon ng katatapos na dalawang araw na pagdalaw sa Tsina ni Pangulong Donald Trump ng Amerika, tatlumpu't apat (34) na kasunduang pangkooperasyon ang nilagdaan ng mga bahay-kalakal ng dalawang bansa. Nagkakahalaga ng mahigit 253.5 bilyong US dollar ang nasabing mga kasunduan. Nakalikha ito ng record high sa kasaysayan ng pagtutulungang pangkabuhaya't pangkalakalan ng Tsina at Amerika.
Ang nasabing mga kasunduang pangkooperasyon ay sumasaklaw sa iba't ibang larangan na gaya ng pagpapasulong ng Belt and Road Initiative (OBOR), enerhiya, chemical industry, pangangalaga sa kapaligiran, kultura, medisina, imprastruktura, smart city at iba pa.
Sa kasalukuyan, ang Gross Domestic Production (GDP) ng Tsina at Amerika ay katumbas ng 40% ng GDP ng buong daigdig at ang kalakalan ng dalawang bansa ay umabot sa 20% ng pandaigdigang kalakalan. Bukod dito, ang Foreign Direct Investment (FDI) sa pagitan ng Tsina at Amerika ay katumbas ng 30% ng kabuuang FDI sa daigdig. Noong 1979 nang itatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, umabot lamang sa 2.5 bilyong US dollar ang halaga ng kalakalan ng Tsina at Amerika.
Kaugnay nito, sinabi ni Zhang Monan, Mananaliksik ng China Center for International Economic Exchanges (CCIEE) na ang matatag na pag-unlad ng relasyong pangkabuhaya't pangkalakalan ng Tsina at Amerika ay nagsisilbing pagkakataon para sa kasaganaan hindi lamang para sa dalawang bansa kundi maging sa bagong round ng paglago ng kabuhayang pandaigdig.
Salin: Jade
Pulido: Mac