Hanoi, Biyetnam — Sa kanyang pakikipagtagpo Lunes, Nobyembre 13, 2017, sa kanyang Vietnamese counterpart na si Tran Dai Quang, tinukoy ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Pangulo ng bansa, na lubos na pinahahalagahan ng partido at pamahalaang Tsino ang relasyong Sino-Biyetnames. Igigiit aniya ng Tsina ang pundamental na patakaran ng pakikipagkaibigan sa Biyetnam. Nagsisikap din aniya ang Tsina upang mapalakas ang komprehensibong estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa. Idinagdag ni Xi na layon nitong makapaghatid ng aktuwal na kapakanan para sa kanilang mga mamamayan.
Ipinagdiinan ng pangulong Tsino na sa kalagayan ng malalim at masalimuot na pagbabago sa situwasyong panrehiyon at pandaidig, at pagiging napakahirap ng tungkulin ng dalawang bansa sa reporma at pag-unlad, dapat palakasin ng dalawang panig ang estratehikong pagkokoordinahan upang mapasulong pa ang pagtahak ng relasyong Sino-Biyetnames sa tumpak na direksyon. Samantala, dapat maayos na hawakan ng dalawang bansa ang kanilang pagkakaiba, pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa dagat, at dapat ding pasulungin ang magkasamang paggagalugad, dagdag pa niya.
Ipinahayag naman ni Tran Dai Quang ang lubos na papuri sa natamong napakalaking tagumpay ng Tsina sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan. Ito aniya ay nakakapagbigay ng mahalagang ambag para sa kapayapaan at kasaganaang panrehiyon at pandaigdig. Dagdag niya, ang pagpapatibay at pagpapalakas ng komprehensibo at estratehikong partnership ng dalawang bansa ay hindi lamang angkop sa pundamental na kapakanan ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan, kundi nakakabuti rin sa kapayapaan at katatagang panrehiyon at pandaigdig.
Salin: Li Feng