|
||||||||
|
||
Manila, Pilipinas-Idinaos Martes ng hapon ang Ika-12 East Asia Summit (EAS). Lumahok dito ang mga lider ng sampung bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Amerika, Australia, Tsina, Hapon, India, New Zealand, Rusya, at Timog Korea. Sa ngalan ng Tsina, dumalo at nagtalumpati si Premyer Li Keqiang.
Larawan ng mga lider sa 12th East Asia Summit sa Maynila, Pilipinas, Nobyembre 14, 2017. (Xinhua/Pang Xinglei)
EAS bilang mahalagang estratehikong porum
Ipinahayag ng mga kalahok na lider na patuloy na sasamantalahin ang EAS bilang mahalagang estratehikong porum para mapasulong ang pagbubukas sa isa't isa, mapaginhawa ang pamumuhunan at kalakalan at mapahigpit ang konektibidad. Ito ay upang mapanatili ang kasiglahan ng pag-unlad ng kabuhayan ng rehiyon at madagdagan ang kapakinabangan ng mga mamamayan ng rehiyon.
Umpisa ng konsultasyon ng Tsina at ASEAN hinggil sa teksto ng COC, katanggap-tanggap
Kapuwa ipinahayag din ng mga kalahok na lider na patuloy na humuhupa ang situwasyon sa South China Sea, at isinusulong nila ang kooperasyon sa karagatang ito. Ipinahayag din nila ang mainit na pagtanggap sa pagsisimula ng konsultasyon ng Tsina at ASEAN sa teksto ng Code of Conduct (COC) in the South China Sea. Sa kanyang talumpati, inulit ni Premyer Li ang determinasyon ng Tsina na magsikap, kasama ng mga may kinalamang bansa para gawing karagatan ng kapayapan, pagkakaibigan at pagtutulungan ang South China Sea. Kinilala at pinapurihan din nila ang ginagawang pagsisikap ng Tsina.
Serye ng pahayag, inilabas
Pinagtibay rin sa katatapos na East Asian Summit ang serye ng pahayag na may kinalaman sa Pagtutulungan sa Pagpapahupa ng Kahirapan, Pagpigil at Pagtugon sa Pagkalat ng Ideolohiya ng Terorismo, Pakikibaka Laban sa Money Laundering at Pangongolekta ng Pondong Panterorismo.
Anim na proposal ni Premyer Li hinggil sa kooperasyon ng Silangang Asya
Sa kanyang talumpati, iniharap ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang anim na mungkahi para makalikha ng bagong pahina ng pagtutulungan ng Silangang Asya. Ang mga proposal ng premyer Tsino ay may kinalaman sa integrasyong panrehiyon, sustenableng pag-unlad, progresong panlipunan, magkakasamang pagtugon sa mga di-kombensyonal na hamong panseguridad, inobasyon ng mga konseptong panseguridad, at pagpapasulong ng framework na panseguridad ng rehiyon.
Kaugnay ng integrasyong panrehiyon, iminungkahi ni Premyer Li na pasulungin ang integrasyon ng Belt and Road Initiative (OBOR) at Master Plan on ASEAN Connectivity 2025, pabilisin ang implementasyon at upgrading ng China-ASEAN free trade area (FTA), at tapusin ang pagsasanggunian hinggil sa China-Japan-South Korea FTA at Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) protocol, sa lalong madaling panahon.
Kaugnay ng sustenableng pag-unlad, iniharap ng Tsina, kasama ng Pilipinas at Laos ang Pahayag hinggil sa Pagpapahupa ng Kahirapan. Ang nasabing pahayag ay pinagtibay ng EAS.
Ipinahayag din ni Li ang kahandaan ng Tsina sa pagpapasulong ng pakikipagtulungan sa lahat ng mga may kinalamang bansa hinggil sa kalusugan at edukasyon. Ani Li, kasalukuyang isinasaalang-alang ng Tsina ang mga proyektong may kinalaman sa pagpigil at paggamot sa kanser, at superbisyon sa mga espesyal na pagkain. Ipinangako rin niya ang pagpapapatuloy ng pagpapasulong ng Tsina sa edukasyon at pagsasanay na bokasyonal, at pagpapalitang pangkultura.
Inulit ng premyer Tsino ang paghikayat at pagpapatupad sa komprehensibo, magkakasamang kooperatibo at sustenableng ideolohiyang panseguridad, at ang pananangan sa paglutas sa mga alitan sa pamamagitan ng diyalogo.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |