Nay Pyi Taw, Nobyembre 20, 2017—Sa panahon ng Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Asya at Europa, nagtagpo sina Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina at Prak Sokhonn, Ministrong Panlabas ng Kambodia.
Ipinahayag ni Wang na kumakatig ang Tsina sa pagsisikap ng Kambodia para sa pangangalaga ng katatagang pampulitika at pagpapaunlad ng kabuhayan. Nananalig si Wang na kakaharapin nang mabuti ng pamahalaan ng Kambodia ang mga hamon sa loob at labas ng bansa, maalwang idaraos ang halalan sa susunod na taon, at pabibilisin ang pag-unlad ng bansa. Ang Lancang-Mekong Cooperation (LMC) ay isang mahalagang plataporma, at umaasa siyang magkasamang pasusulungin ng Tsina at Kambodia ang pagpapabuti ng mekanismong ito.
Pinasalamatan ni Prak Sokhonn ang pagkatig at pagtulong ng Tsina sa Kambodia. Inanyayahan niya ang mga lider ng Tsina na lumahok sa ika-2 Summit ng LMC na idaraos sa Kambodia sa susunod na taon.
salin:Lele