Ipinatalastas ngayong araw, Miyerkules, ika-29 ng Nobyembre 2017, ng Hilagang Korea, ang matagumpay na subok-lunsad, kaninang madaling araw, ng bagong naidebelop na "Hwasong-15" intercontinental ballistic missile.
Ayon sa ipinalabas na pahayag ng pamahalaan ng H.Korea, makakaabot ang missile na ito sa buong teritoryo ng Amerika. Anito pa, mas maunlad ito kaysa "Hwasong-14," na dalawang beses na sinubok-lunsad noong nagdaang Hulyo ng taong ito.
Samantala, ayon sa ulat ngayong araw ng panig militar ng Timog Korea, ilang minuto pagkaraan ng nasabing subok-lunsad ng H.Korea, isinagawa naman ng tropang T.Koreano ang isang live-fire drill ng paglulunsad ng mga missile.
Sinabi ng panig na T.Koreano, na ito ay nagpapakita ng kakayahan nila sa pagsasagawa ng "precision strike" sa missile launching facility ng H.Korea.
Salin: Liu Kai