Zhejiang, Tsina-Sa sidelines ng 4th World Internet Conference, kinatagpo Disyembre 3, 2017 ni Wang Huning, Kalihim ng Sekretaryat ng Komite Sentral ng CPC sina Pangalawang Punong Ministro Prajin Juntong ng Thailand at Pangalawang Punong Ministro Tsagaandari Enkhtuvshin ng Mongolia.
Sa pakikipagtagpo kay Prajin, ipinahayag ni Wang na sa pag-uusap ngayong taon nina Pangulo Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Prayuth Chan-ocha ng Thailand, tiniyak nila ang direksyong pangkaunlaran ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Thailand para pahigpitin ang pagpapalitan hinggil sa karanasan ng pangangasiwa sa internet, at magkasamang makisangkot sa konstruksyon ng world internet management system.
Ipinahayag naman ni Prajin na pinahahalagahan ng Thailand ang mapagkaibigang relasyong Sino-Thai. Nakahanda aniya ang Thailand na pasulungin ang ugnayan ng pambansang estratehiyang pangkaunlaran ng dalawang bansa, at pahigpitin ang pagtutulungan sa ibat-ibang larangan, lalo na sa pagtatatag ng bukas, makatarungan, at ligtas na cyber space. Nang kausapin si Tsagaandari Enkhtuvshin, ipinahayag ni Wang na pinahahalagahan ng Tsina ang pakikipagtulungan sa Mongolia. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Mongolia para palakasin ang pagtitiwalaang pampulitika, igalang ang kani-kanilang nukleong interes at mga usaping ikinababahala, at tupdin ang komong palagay na narating ng mga liderato ng dalawang bansa.