Sa kanyang mensaheng pambati sa 2017 Fortune Global Forum, na binuksan ngayong araw, Miyerkules, ika-6 ng Disyembre 2017, sa Guangzhou, Tsina, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping, na hindi sasarhan ang pinto ng pagbubukas sa labas ng Tsina. Pag-iibayuhin aniya ng Tsina ang pagbubukas, at magiging mas bukas, transparent, at regulated ang kapaligirang pang-negosyo ng Tsina.
Dagdag ni Xi, na patuloy na pauunlarin ng Tsina ang partnership sa buong daigdig, daragdagan ang komong interes sa iba't ibang bansa, at pasusulungin ang malaya at maginhawang kalakalan at pamumuhunan. Ito aniya ay para magbigay ng mas maraming pagkakataon at mas malaking ambag sa kaunlarang pandaigdig.
Ipinahayag din ni Xi ang mainit na pagtanggap sa mga mangangalakal ng buong daigdig, na magbukas ng negosyo sa Tsina, para ibahagi ang mga pagkakataong dulot ng pag-unlad ng bansa, at lumikha ng magandang kinabukasan ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at ibang bansa.
Salin: Liu Kai