Beijing — Binuksan Huwebes, Disyembre 7, 2017, ang unang "South-South Human Rights Forum." Sa kanyang mensaheng pambati sa porum, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang maringal na pagbati sa pagdaraos ng nasabing porum. Ipinagdiinan niya na ang pag-unlad ng usapin ng karapatang pantao sa buong mundo ay hindi-maihihiwalay sa magkakasamang pagsisikap ng mga umuunlad na bansa. Umaasa aniya siyang sa diwa ng katarungan, pagkakapantay-pantay, at pagbubukas, igagalang at ipapakita ng komunidad ng daigdig ang mithiin ng mga mamamayan ng mga umuunlad na bansa. Layon nitong pasulungin ang pagtatamasa ng nasabing mga mamamayan ng mas sapat na karapatang pantao at maisakatuparan ang komong kasaganaan at kaunlaran ng buong sangkatauhan.
Idinagdag pa ni Xi na ang pagtatamasa ng bawat tao ng karapatang pantao ay dakilang pag-asa ng buong sangkatauhan. Nitong ilang taong nakalipas, gumagawa ng napakaraming pagsisikap ang mga mamamayan ng mga umuunlad na bansa upang hanapin ang liberasyon ng nasyon at pagsasarili ng bansa, makuha ang kalayaan at pagkakapantay-pantay, tamasahin ang dignidad at kaligayahan, at maisakatuparan ang kapayapaan at kaunlaran. Ito aniya ay gumawa ng napakalaking ambag para sa usapin ng karapatang pantao ng buong mundo.
Ang nasabing porum ay nasa pagtataguyod ng Tanggapan ng Impormasyon ng Konseho ng Estado ng Tsina at Ministring Panlabas ng Tsina. Dumalo rito ang mahigit 300 opisyal at iskolar mula sa mahigit 70 bansa at organisasyong pandaigdig.
Salin: Li Feng