|
||||||||
|
||
NAKALABAS na ng Pilipinas ang bagyong "Urduja" na may international name na Kai Tak matapos mag-iwan ng 31 nasawi at 49 na nawawala dulot ng mga pagguho ng lupa. Rumagasa ang bagyo sa kalagitnaan ng Pilipinas mula noong nakalipas na Sabado at ngayo'y na sa South China Sea na.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, lima katao ang nasawi sa Leyte, isa sa Eastern Samar, dalawa sa Western Samar at 23 sa Biliran. Mayroon pang nawawalang 49 katao.
Ito ang ibinalita ni Secretary Roque sa isang press briefing sa Biliran kanina. Apektado rin ng bagyo ang may 62,309 na pamilya o higit sa 270,000 kataong taga-Kabisayaan. Napinsala rin ang mga lansangan at tulay sa Eastern Samar at Northern at Western Samar provinces.
Lumipad si Secretary Roque at mga kalihim ng pamahalaan sa Biliran upang alamin ang pinsalang idinulot ng bago sa lalawigan.
Dumalaw din si Pangulong Duterte sa Leyte bago dumalaw sa Biliran na kinatagpuan ng pinakamaraming nasawi at nawala at maging mga pinsala sa ari-arian at mga pananim.
Nabanggit naman ni Director Romina Marasigan ng National Disaster Risk Reduction Management Council, isang tanggapan ng Office of Civil Defense na 'di pa rin matiyak ang bilang ng mga nawawalang tao sa lalawigan ng Romblon.
Matinding ulan ang idinulot ng bagyo na naging dahilan ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lalawigan sa Central Philippines at sa pinakadulong bahagi ng Southern Luzon.
Magugunitang maraming mga biyahe ng ferryboat at eroplano ang nakansela dulot ng masamang panahon. Mayroon ding 1,200 mga turistang 'di nakaalis sa Boracay dala ng sama ng panaon.
Humina ang bagyong "Urduja" matapos tumama sa Palawan at makararanas ng patuloy na mga pag-ulan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |