|
||||||||
|
||
Beijing, Tsina—Nilagdaan Miyerkules, Disyembre 20, 2017, ang Unang Lancang-Mekong Cooperation (LMC) Media Joint Statement makaraang idaos ang LMC Media Summit.
Seremonya ng paglagda ng LMC Media Joint Statement
Lumahok sa pulong at lumagda sa magkasanib na pahayag ang mga kinatawan mula sa 34 na media outlet galing sa anim na kasaping bansa ng LMC.
Ayon sa nasabing pahayag, ang kooperasyon ng mga media ay mahalagang bahagi ng LMC. Anito pa, dapat magkakasamang isabalikat ng mga media ang tungkulin ng pagpapasulong ng pag-unlad ng rehiyong Lancang-Mekong para makinabang dito ang mga mamamayan.
Sa kanya namang talumpati sa summit, iminungkahi ni Ren Qian, Pangalawang Punong Editor ng China Radio International (CRI) na pahigpitin ang pagpapalitan at pagtutulungan ng mga media organization sa kahabaan ng Lancang-Mekong, sa pamamagitan ng magkakasamang pag-uulat, pagpapalitan at pagsasanay ng mga tauhan at mamamahayag, at pagdaraos ng mga porum at symposium. Hinikayat din niya ang mga media na magdaos ng mga proyekto ng kawanggawa na may mahigpit na kaugnayan sa pamumuhay ng mga mamamayan ng rehiyon.
Si Ren Qian, Pangalawang Punong Editor ng China Radio International habang nagtatalumpati sa LMC Media Summit
Ang LMC ay isang sub-rehiyonal na platapormang pangkooperasyon sa ilalim ng balangkas ng kooperasyon ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Itinatag ang LMC noong Marso, 2016 ng mga bansa sa kahabaan ng Ilog Lancang-Mekong na kinabibilangan ng Tsina, Kambodya, Laos, Myanmar, Thailand, at Vietnam. Ang Lancang ay tawag ng mga mamamayang Tsino sa itatas na bahagi ng Mekong.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |