Sa preskon pagkatapos ng Ikatlong Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Lancang-Mekong Cooperation (LMC), na idinaos ngayong araw, Biyernes, ika-15 ng Disyembre 2017, sa Dali, lunsod ng lalawigang Yunnan sa timog kanluran ng Tsina, binigyan ng mataas na pagtasa ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, ang mga natamong bunga ng LMC, sapul nang buuin ito noong Marso ng nagdaang taon. Aniya, pumapasok ang mekanismong ito sa yugto ng mabilis na pag-unlad.
Sinabi ni Wang, na sa inisyal na yugto ng LMC, nabuo ang balangkas ng kooperasyon ng "3 plus 5." Ang "3" ay tumutukoy sa tatlong pangunahing bahagi ng LMC, na seguridad na pampulitika, kabuhayan at sustenableng pag-unlad, at lipunan at kultura. Ang "5" naman ay tumutukoy sa limang aspektong may priyoridad ng kooperasyon, na gaya ng konektibidad, produktibong kapasidad, transnasyonal na kabuhayan, yamang-tubig, at agrikultura't pagbabawas ng kahirapan. Iniharap din ni Wang ang mungkahi ng panig Tsino, na palawakin ang "3 plus 5" sa "3 plus 5 plus X," para maging mas masagana ang LMC.
Dagdag pa ni Wang, umaasa ang Tsina, na sa bagong yugto ng LMC, ibayo pang lalalim ang pagtitiwalaang pulitikal ng iba't ibang bansa, lalawak ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, hihigpit ang pagpapalagayan ng mga mamamayan, at bubuuin ang komprehensibong kooperasyon.
Salin: Liu Kai