Phnom Penh, Cambodia--Nakatakdang buksan bukas, Miyerkules, Enero 10, 2018, ang Ikalawang Pulong ng mga Lider ng Lancang-Mekong Cooperation (LMC). Lalahok sa pulong ang mga lider mula sa anim na kasaping bansa ng LMC na kinabibilangan ng Kambodya, Tsina, Laos, Myanmar, Thailand at Vietnam. Sa ngalan ng Tsina, lalahok sa pulong si Premyer Li Keqiang ng Tsina.
Sinabi ni Tung Ciny, Tagapangulo ng Cambodian Science and Technology Commission (CSTC) na ang gaganaping pulong at mekanismo ng LMC ay nakakatulong pagsamahin ang mga ideya at patakaran ng iba't ibang kasapi para marating ang komong palagay at mapasulong ang pagtutulungan.
Ang kasalukuyang taon ay ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Kambodya. Magsasagawa rin si Premyer Li ng Tsina ng opisyal na pagdalaw sa nasabing bansa. Sinabi ni Tung Ciny na nitong anim na dekada sapul nang itatag ang nasabing ugnayang diplomatiko, maraming ibinigay na tulong na pansalapi at panteknolohiya ang Tsina sa iba't ibang sektor ng Cambodia na gaya ng industriya, enerhiya, kapaligiran, negosyo, kalusugan, at koreo. Ipinahayag din niyang sa kasalukuyan pinapasulong ng Cambodia ang Pambansang Planong Pangkaunlaran sa Industriya Mula Taong 2015 Hanggang 2025, at ang planong ito ay katugma ng Belt and Road Initiative na iniharap ng Tsina para sa komong Kaunlaran. Inaasahan aniya niyang makikipagtulungan ang Cambodia sa Tsina sa ilalim ng pambansang plano ng Cambodia at Belt and Road Initiative, kaugnay ng integrasyon at konektibidad sa iba't ibang aspekto na gaya ng agham at teknolohiya. Sa panahon ng gagawing pagdalaw ng Premyer Tsino sa Cambodia, lalagda ang dalawang bansa sa Memorandum of Understating hinggil sa Teknolohiya. Si Tung Ciny ay nagsisilbi ring Pangalawang Kalihim ng Estado ng Ministri ng Industriya at Gawang-kamay ng Cambodia.
Salin: Jade
Pulido: Mac