Inilabas ngayong araw, Sabado, ika-6 ng Enero 2018, ni Xiong Bo, Embahador ng Tsina sa Kambodya, ang artikulo hinggil sa gagawing biyahe ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Kambodya, para dumalo sa Ika-2 Pulong ng mga Lider ng Lancang-Mekong Cooperation at magsagawa ng opisyal na pagdalaw sa bansang ito.
Sinabi ni Xiong, na nitong ilang taong nakalipas, ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng Tsina at Kambodya ay pumasok sa yugto ng de-kalidad at mabilis na pag-unlad. Aniya, ang pagdalaw ni Premyer Li ay magpapalakas ng tradisyonal na pagkakaibigan at magpapasulong sa pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa.
Kaugnay naman ng Ika-2 Pulong ng mga Lider ng Lancang-Mekong Cooperation, sinabi ni Xiong, na bilang bagong mekanismo ng subrehiyonal na kooperasyon, ang mabilis na pag-unlad ng Lancang-Mekong Cooperation ay hinahangaan ng iba't ibang panig. Umaasa aniya ang panig Tsino, na matatamo ng naturang pulong ang bunga para sa komprehensibong pagpapasulong ng mekanismong ito. Ipinahayag din niya ang kahandaan ng Tsina, na magkakasamang itatag ang "community of shared future" ng mga bansa sa kahabaan ng Lancang-Mekong River.
Salin: Liu Kai