Sa panayam kamakailan sa China Radio International, binigyan ng mataas na pagtasa ni Ko Ko Hlaing, dating Presidential Advisor ng Myanmar, ang mabilis na pag-unlad ng Lancang-Mekong Cooperation.
Sinabi ni Ko Ko Hlaing, na halos dalawang taon lamang ang kasaysayan ng Lancang-Mekong Cooperation, pero naisasagawa na ang mahigit 80 proyektong pangkooperasyon, at nakikinabang na rito ang mga kalahok na bansa sa mga aspekto ng kaunlarang pangkabuhayan, konstruksyon ng imprastruktura, at iba pa. Ito aniya ay nagpapakita ng mataas na episiyensiya ng mekanismong ito.
Ipinahayag din ni Ko Ko Hlaing ang lubos na pananalig sa kinabukasan ng Lancang-Mekong Cooperation. Ipinalalagay niyang ang mekanismong ito ay nagtatampok sa pagkakaibigan, mutuwal na kapakinabangan, at rehiyonal na pag-unlad, at may malakas na mithiing pulitikal ang lahat ng mga kalahok na bansa para ibayo pang pasulungin ito. Nananalig aniya siyang matatamo ng Lancang-Mekong Cooperation ang mas maraming bunga sa hinaharap.
Salin: Liu Kai