Phnom Penh, Cambodia--Nakatakdang buksan bukas, Miyerkules, Enero 10, 2018, ang Ikalawang Pulong ng mga Lider ng Lancang-Mekong Cooperation (LMC). Sa ngalan ng Tsina, lalahok sa pulong si Premyer Li Keqiang ng Tsina. Magsasagawa rin siya ng opisyal na pagdalaw sa Kambodya.
Itinatag ang mekanismo ng LMC noong Marso, 2016 sa panahon ng pagdaos ng unang pulong ng mga kasaping bansa sa Sanya, Hainan Province, Tsina. Ang LMC ay binubuo ng anim na bansa sa kahaban ng Lancang-Mekong River na kinabibilangan ng Tsina, Kambodya, Laos, Myanmar, Thailand, at Vietnam. Ang Cambodia at Tsina ay nagsisilbing kasalukuyang magkasamang bansang tagapangulo ng LMC.
Sapul nang itatag ang mekanismo, mabunga ang pagtutulungang Sino-Kambodyano, sa anim na larangan ng priyoridad ng LMC na kinabibilangan ng konektibidad, production capacity, trans-border na kabuhayan, yamang-tubig, agrikultura, at pagpapahupa ng kahirapan. Halimbawa, noong Disyembre, 2017, ipinagkaloob ng Tsina sa Kambodya ang 7.3 milyong USD mula sa Lancang-Mekong Cooperation (LMC) Special Fund. Ang pondo na inilunsad ng Tsina noong 2016 ay sasaklaw sa 16 na proyekto sa Cambodia sa iba't ibang sektor. Bukod dito, halos kalahati ng pambansang lansangan ng Cambodia ay ginawa ng mga bahay-kalakal na Tsino. Sa tulong ng mga bahay-kalakal na Tsino, inilatag ng Cambodia ang pinakamahabang fiber cable ng bansa at unang fiber cable sa ilalim ng dagat. Magkasamang itinatag din ng mga bahay-kalakal ng Cambodia at Tsina ang Sihanoukville Economic Zone, pinakamalaking ganitong sona sa Cambodia. Ang Tsina naman ay ang pinakamalaking bansang nag-aangkat ng bigas mula sa Cambodia.
Salin: Jade
Pulido: Mac