Bago ang kanyang biyahe sa Kambodya para dumalo sa Ika-2 Pulong ng mga Lider ng Lancang-Mekong Cooperation (LMC) at dumalaw sa bansang ito, inilabas kahapon, Martes, ika-9 ng Enero 2018, ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, ang artikulo sa mga pahayagang Kambodyano, na nagpapahayag ng pag-asang ang kanyang biyaheng ito ay magpapasulong sa Lancang-Mekong Cooperation at pagkakaibigan ng Tsina at Kambodya.
Sa artikulo, binigyan ni Li ng mataas na pagtasa ang mabilis na pag-unlad ng Lancang-Mekong Cooperation, sapul nang idaos ang unang pulong ng mga lider ng LMC noong 2016. Umaasa aniya siyang sa idaraos na ikalawang pulong, matatamo ang mga bagong bunga ng LMC, lalung-lalo na sa mga aspekto ng patubig, edukasyon, kultura, kabataan, at iba pa.
Kaugnay ng relasyong Sino-Kambodyano, sinabi ni Li, na pagkaraang dumalaw noong 2016 sa Kambodya si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, sumusulong sa bagong antas ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng dalawang bansa. Ani Li, ang kanyang pagdalaw na ito ay naglalayong patuloy na magpasulong sa relasyong ito. Nakahanda aniya ang Tsina, na patuloy na makipagtulungan sa Kambodya sa mga aspekto ng pamumuhunan, teknolohiya, production capacity, turismo, at iba pa, para magbigay-tulong sa Kambodya sa pagpapaunlad ng kabuhayan, at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Salin: Liu Kai