Natapos kagabi, Huwebes, Enero 11, 2018 ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang kanyang biyahe sa Cambodia.
Sa kanyang dalawang araw na pananatili sa nasabing bansa, lumahok si Premyer Li sa Ika-2 Pulong ng mga Lider ng Lancang-Mekong Cooperation (LMC), sa Phnom Penh, Cambodia, kasama ng limang lider mula sa ibang kasaping bansa ng LMC na kinabibilangan ng Cambodia, Laos, Myanmar, Thailand at Vietnam. Nagsagawa rin siya ng opisyal na pagdalaw sa Cambodia.
Sa kanyang paglahok sa pulong ng LMC, iniharap ng Premyer Tsino ang balangkas na pangkooperasyon ng 3+5+X. Ang 3 ay tumutukoy sa tatlong "pillar" ng LMC na kinabibilangan ng seguridad na pampulitika, ekonomiko at sustenableng pag-unlad, at people-to-people exchanges. Ang 5 naman ay nangangahulugan ng limang priyoridad ng LMC na sumasaklaw sa konektibidad, production capacity, transborder na kabuhayan, yamang-tubig, agrikultura, at pagpapahupa ng kahirapan. Ang X ay kumakatawan sa mga larangan kung saan maaaring palalimin ang pagtutulungan na gaya ng digital economy, pangangalaga sa kapaligiran, kalusugan, adwana, at kabataan. Inilarawan din ni Premyer Li ang diwa ng LMC bilang pantay-pantay, bukas at inklusibo, at pragmatiko.
Sa kanyang pagdalaw sa Cambodia, tumayong-saksi si Premyer Li Keqiang at Punong Ministro Hun Sen ng Cambodia sa paglagda ng 19 na dokumentong pangkooperasyon ng Tsina at Cambodia sa iba't ibang sektor.
Salin: Jade
Pulido: Mac