Beijing, Tsina-Hinimok ng Tsina ang Mababang Kapulungan ng Estados Unidos na maayos na hawakan ang mga isyung may kinalaman sa Taiwan. Ang nasabing kahilingan ay ipinahayag ni Lu Kang, Tagapagsallita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa regular na preskon kahapon, Huwebes, Enero 11, makaraang pagtibayin ng Mababang Kapulungan ng Amerika ang dalawang panukalang may kinalaman sa Taiwan, Martes, Enero 9.
Kabilang sa dalawang panukala ay Taiwan Travel Act at Bill H.R. 3320. Layon ng Taiwan Travel Act na hikayatin ang mga pagdalaw na diplomatiko sa pagitan ng mga opisyales ng Taiwan at Amerika. Ang Bill H.R. 3320 naman ay humihiling sa Kalihim ng Estado ng Amerika na balangkasin ang estratehiya para panumbalikin ang "observer status" ng Taiwan sa World Health Organization.
Ipinagdiinan ni Lu na ang pagpasa ng nasabing dalawang panukala ay labag sa mga prinsipyong Isang Tsina at tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika. Hinimok niya ang Mababang Kapulungan ng Amerika na pangalagaan ang panlahat na relasyong Sino-Amerikano at pagtutulungan ng dalawang bansa sa mga suliraning pandaigdig, at huwag magpadala ng maling mensahe sa mga personaheng nagtatangka ng "pagsasarli ng Taiwan."
Salin: Jade
Pulido: Mac