Ipinatalastas kahapon, Lunes, ika-12 ng Hunyo 2017, ni Pangulong Juan Carlos Varela ng Panama, ang pagtatatag ng kanyang bansa at Tsina ng relasyong diplomatiko.
Ayon kay Varela, nandito ngayon sa Beijing si Isabel Saint Malo de Alvarado, Pangalawang Pangulo at Ministrong Panlabas ng Panama, at isinagawa niya, kasama ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, ang mga konkretong gawain hinggil sa pagtatatag ng relasyong diplomatiko.
Sinabi ni Varela, na mahalaga ang papel ng Tsina sa rehiyon at daigdig, at pareho ang palagay ng dalawang bansa sa mga isyu ng globalisasyon at kaunlarang pandaigdig. Dagdag niya, nagkakaroon ang Tsina ng mahalagang papel sa kabuhayan ng Panama. Aniya, ang Tsina ay ikalawang pinakamalaking gumagamit ng Panama Canal, at pinakamalaking supplier ng mga paninda sa Colon Free Zone ng Panama.
Kaugnay nito, ipinahayag ngayong araw ni Ma Xiaoguang, Tagapagsalita ng Tanggapan ng Konseho ng Estado ng Tsina sa mga Suliranin ng Taiwan, ang papuri ng kanyang bansa sa naturang desisyon ng Panama. Aniya, iisa lamang ang Tsina sa daigdig, at ang paggigiit sa patakarang "Isang Tsina" ay unibersal na komong palagay ng komunidad ng daigdig.
Salin: Liu Kai