Inulit kahapon, Linggo, ika-14 ng Enero 2018, sa Ramallah, ni Pangulong Mahmoud Abbas ng Palestina, na hindi tatanggapin ng kanyang bansa ang paglahok ng Amerika sa medyasyon sa paglutas sa sigalot ng Palestina at Israel.
Winika ito ni Abbas sa seremonya ng pagbubukas ng dalawang-araw na pangkagipitang pulong ng Palestine Liberation Organization (PLO). Tinukoy niyang, sa mga okasyon ng pagtalakay ng United Nations sa mga resolusyon hinggil sa isyung may kinalaman sa Palestina, 43-beses na ginawa ng Amerika ang pagbeto. Dahil dito aniya, hindi ituturing ng Palestina ang Amerika bilang tagapamagitan sa problema ng Palestina at Israel.
Dagdag pa ni Abbas, paulit-ulit na hihilingin ng panig Palestino sa komunidad ng daigdig na kilalanin ang Estado ng Palestina. Ito aniya ay para igarantiya ang lehitimong karapatan ng mga mamamayang Palestino, at lehitimong katayuan ng PLO.
Ayon pa sa ulat, pagkaraan ng nabanggit na pangkagipitang pulong ng PLO, ilalabas ang komunike kung saan nakalakip ang pinakahuling posisyon ng Palestina sa Amerika, Israel, at kapayapaan ng Palestina at Israel.
Salin: Liu Kai