Pinagtibay kahapon, Huwebes, ika-21 ng Disyembre 2017, ng United Nations General Assembly (UNGA), ang resolusyon sa katayuan ng Jerusalem, na laban sa desisyon ni Pangulong Donald Trump ng Amerika hinggil sa pagkilala sa Jerusalem bilang kabisera ng Israel.
Anang resolusyon, walang legal effect ang anumang desisyon at aksyon, para baguhin ang katangian, katayuan, o demographic composition ng Jerusalem, at dapat pawalang-bisa ang mga ito, batay sa mga may kinalamang resolusyon ng UN Security Council. Anito pa, ang isyu ng pinal na katayuan ng Jerusalem ay dapat lutasin ng Palestina at Israel sa pamamagitan ng direktang talastasan. Nananawagan din ito sa lahat ng mga bansa, na batay sa Resolusyon 478 ng UNSC, hindi sila dapat magtalaga ng misyong diplomatiko sa Jerusalem.
Pinagtibay ang naturang resolusyon sa pamamagitan ng 128 boto ng pagsang-ayon, 9 na boto ng pagtutol, at 35 boto ng abstensiyon. Bumoto ng pagsang-ayon ang 4 na kasaping bansa ng UNSC, liban sa Amerika. Ang mga bansang bumoto ng pagtutol ay kinabibilangan ng Amerika at Israel.
Ang nilalaman ng resolusyong ito ay halos magkapareho sa burador na resolusyon ng UNSC na hindi napagtibay noong ika-18 ng buwang ito, dahil sa pagbeto ng Amerika.
Salin: Liu Kai