Nag-usap sa telepono, ngayong araw, Martes, ika-16 ng Enero 2018, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Donald Trump ng Amerika.
Sinabi ni Xi, na noong isang taon, matatag sa kabuuan ang relasyong Sino-Amerikano, at natamo nito ang mahalagang progreso. Dagdag niya, ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Amerika ay nagdudulot ng maraming aktuwal na benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan, at dapat maayos na lutasin ng dalawang bansa ang mga problema sa aspektong ito. Ipinahayag din ni Xi ang pag-asang magkasamang magsisikap ang dalawang bansa, para panatilihin ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.
Ipinahayag naman ni Trump, na lubos na pinahahalagahan ng Amerika ang relasyon sa Tsina at kooperasyon ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang panig Amerikano, kasama ng panig Tsino, na palakasin ang pagpapalagayan sa mataas na antas at iba't ibang lebel, palawakin ang pragmatikong kooperasyon, at mabuting hawakan ang mga isyu sa kabuhayan at kalakalan. Ito aniya ay para ibayo pang pasulungin ang relasyon ng dalawang bansa.
Nagpalitan din ng palagay ang dalawang pangulo hinggil sa kalagayan sa Korean Peninsula. Tinukoy ni Xi, na dapat magkakasamang magsikap ang iba't ibang panig, para patuloy na pahupain ang kalagayan sa peninsula, upang lumikha ng kondisyon para sa pagpapanumbalik ng diyalogo at talastasan. Ipinahayag naman ni Trump ang kahandaang palakasin ang pakikipag-ugnayan sa Tsina sa isyung ito.
Salin: Liu Kai