Ipinahayag kahapon, Biyernes, ika-26 ng Enero 2018, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na pinahahalagahan ng kanyang bansa ang lahat ng pagsisikap na makakabuti sa mapayapang paglutas sa isyu ng Korean Peninsula sa pamamagitan ng pulitikal at diplomatikong paraan. Dagdag niya, nakahanda ang Tsina na isaalang-alang ang mga mungkahi, para pahupain ang tensyon at pasulungin ang diyalogo.
Sinabi kamakalawa ni Henry Kissinger, dating Kalihim ng Estado ng Amerika, na dapat panumbalikin ang Six-Party Talks o ibang porum sa pamumuno ng Tsina at Amerika, para marating ang kasunduan hinggil sa kinabukasan ng Korean Peninsula.
Kaugnay nito, sinabi ni Hua, na bagama't kinakaharap ang kahirapan, mahalaga pa rin ang Six-Party Talks at ang pinakamahalaga sa kasalukuyan ay paano itong panumbalikin. Aniya, ang pagharap ng Tsina ng suspension-for-suspension proposal at dual-track approach ay para sirain ang deadlock, at pasulungin ang pag-uusap ng iba't ibang panig.
Inulit din ni Hua, na ang nukleo ng isyu ng Korean Peninsula ay hidwaan ng Hilagang Korea at Amerika, kaya dapat direktang lumahok ang dalawang bansa sa mga pag-uusap.
Salin: Liu Kai